Congratulations, natanggap ka na sa una mong trabaho! Pwede ka nang mamahinga at makakuha ng limpak-limpak na salapi mula sa iyong pinagtatrabahuhan!
Sa kasawiangpalad, hindi nagtatapos ang kwento mo sa pagtapos ng kolehiyo at pagkakuha ng trabaho. Marami ka pang kailangang gawin (at bigas na kakainin) bago ka maging isang ganap na software developer.
—
Una sa lahat, suriin mo ang kalidad ng kumpanyang pinasukan mo gamit ang Joel Test.
Kung nakakuha siya ng 10 pataas, ayos ka na. Maghanap ka na lang ng isang senior developer diyan para gabayan ka sa mga kailangan mong matutunan.
Kung minalas ka naman at mababa ang nakuha ng kumpanya, tumiis ka muna ng ilang buwan habang hinahanda mo ang paglipat mo sa ibang kumpanyang may mas mataas na puntos sa Joel Test. Huwag kang matulad sa ilan na nagsasayang ng taon sa mga kumpanya kung saan wala ka naman talagang natututunan.
Isipin mo: ang isang taong may 10 taong “experience” na sa totoo lang ay 1 taon na pinaulit-ulit lang ng 10 beses, ay walang sinabi sa isang taong may 2 taon na tunay na karanasan at kasanayan sa trabaho.
—
Ang susunod mong kailangang gawin: magbasa. At hindi yung mga librong “Teach yourself [techology na malalaos sa 2 taon] in 24 hours” kungdi mga librong nagtuturo ng software engineering at iba pang mga paksang tumatagal. Heto ang mga madalas isina-suggest sa mga baguhan:
- Code Complete 2
- The Pragmatic Programmer
- The Mythical Man-Month
- Peopleware
- Rapid Development
- Refactoring
- Head First Design Patterns
—
Ang huling payo ko ay, kung may oras ka, maghanap ka ng mga user group o open source community at sumali ka sa kanila. Bukod sa matututo ka ng mga bagay-bagay na maaring hindi ninyo ginagamit sa iyong trabaho, makakakuha ka rin ng kuneksyon sa industriya – makakabukas ka ng mga oportunidad sa mga bagong kliente o trabaho.