Madalas humingi ng mga “tips” ang mga estudyante kung paano sila makakapasok sa mga kumpanya. Ang problema, palaging mali-mali ang mga nakukuha nilang na abiso mula sa “nakakatanda”. Dahil dito, naisip kong ilista kung ano sa tingin ko ang talangang kailangan ng mga magtatapos ng kolehiyo para makakuha ng trabaho:
1. Tunay na kakayahan sa pag-program – Napag-usapan ko na ito noong nakaraang linggo. Maraming mga nakakatapos ng kolehiyo pero hindi marunong mag-program ng solusyon sa mga simpleng problema.
Bago ka mag-apply sa trabaho, siguraduhin mo munang mayroon kang kahit isang programming language na kaya mong gamitin sa isang high-pressure situation gaya ng interview. Mahirap na na mataranta sa gitna ng interview dahil lang kulang ka sa practice.
2. Passion for learning – Sa lahat ng mga bagay na makikita mo sa mga magagaling na programmer, ito lang talaga ang magagamit mo sa isang interview.
Hinahanap ng mga IT company ang mga taong gutom sa kaalaman kasi, una, sa bilis ng paglabas ng bagong teknolohiya, walang lugar sa IT ang mga taong tamad mag-aral (kung tutuusin meron: sa mga bulok na kumpanya). At ikalawa, magastos ang training: malaki ang matitipid ng kumpanya sa mga taong marunong mag-aral sa sariling sikap.
3. Marunong makaintindi at makitungo sa tao – Baka akalain ninyo na puro mga nerd lang na walang ginawa kungdi mag-program ang kailangan ng mga IT company. Pero kung ganoong klase kang tao, sa totoo lang, mahihirapan ka sa mundo ng IT.
Ang software development ay hindi tungkol sa programs o sa computers, ang software development ay tungkol sa tao.
Ang trabaho mo sa IT ay gumawa ng solusyon sa mga problema ng mga tao, mga problema na hindi nila lubos na naiintindihan pero kailangan mong alamin sa iba’t ibang paraan. At para gawin mo yung mga program at system na iyon, kailangan mong magtrabaho kasama ang iba’t ibang klaseng tao.
Kung hindi ka marunong makisama, hindi ka marunong makipag-areglo, hindi ka tatagal sa IT.
Kawawang mga nerd.
4. Kuneksyon – Mas madaling makakuha ng trabaho pag mayroon kang mga kakilala sa industriya.
Buti na lang sa panahon ngayon, napakaraming pagkakataon ang mga estudyante na makakuha ng mga kuneksyon sa industriya dahil sa mga tech-events. Nandyan ang DevCon na bumibisita sa mga kolehiyo para magbigay ng talk tungkol sa IT. Kung sinusubaybayan mo ang mga kumpanya tulad ng Google, IBM, at Microsoft, malalaman mo kung mayroon silang mga event na malapit sa inyo. Mayroon ring site tulad ng WebGeek na naglilista ng iba’t ibang events.
Pumunta ka sa mga event na ito para matuto at makakilala ng mga tao na makakatulong sa iyong makakuha ng trabaho. Wag lang sana maging rason mo yung isang nakasulat sa ibaba.
5. Portfolio – Hindi talaga kailangan, pero malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng isang portfolio sa simpleng dahilan na ang gumagawa lang ng mga portfolio ay yung mga matatapang na kayang ipakita sa mundo ang gawa nila. Karaniwan kasi itinatago ng mga tao ang code nila para “di manakaw” – pero sino naman ang magnanakaw ng pangit na code?
Gaya ng mga tech-events, sa panahon ngayon, maraming paraan para gumawa ng portfolio. Maraming mga libre at murang web hosting sites para sa Web Developer. Hindi ganoon kamahal maglagay ng app sa mga Apple App Store, Google Play, at kung anumang marketplace para sa mga Mobile Developer. At lahat ng developer pwede gumawa ng GitHub account at mag-upload ng kung anumang code na gusto nilang ipakita sa mundo.
—
Ngayon na nasabi na natin ang mga kailangan para matanggap sa trabaho, mararapat lang na banggitin na rin natin ang mga hindi ninyo kailangan:
1. Certificate – Iilan lang certificates ang talagang magagamit mo sa paghahanap trabaho. Walang disenteng kumpanya ang kumukuha ng tao base lamang sa certificate – kailangan nilang patunayan ng harapan kung ano ang kakayahan nila. Kaya nakapagtataka kung bakit hanap-hanap ng mga estudyante ang mga walang kwentang piraso ng mga papel na ito.
Masasabi nga natin na kabaliktaran sila ng portfolio: ang portfolio ay bunga ng buwan o taon ng pag-aaral at pag-eensayo, habang ang karaniwang certificate na linalagay ng mga estudyante sa kanilang resume ay galing lang sa pag-upo ng ilang oras sa isang seminar.
2. Diploma mula sa sikat na paaralan – Bilang isang nagtapos galing sa UP, sasabihin ko sa inyo ng diretso:
Maraming nagtatapos sa UP, Ateneo, at La Salle na di marunong mag-program.
Dalawa ang implikasyon nito. Una, kung nakapagtapos ka sa mga paaralang ito, hindi ka dapat maging kampante hanggang talagang napatunayan mo na marunong kang mag-program.
At ikalawa, kung galing ka sa isang di-kilalang paaralan, huwag mong isipin na di ka makakakuha ng trabaho sa IT na may malaking sahod (at hindi call-center). Basta alam mo ang kailangan mong gawin, di malayong malagpasan mo yung mga walang kwentang programmer sa mga “bigating” paaralan.
Thanks for these tips! :)
Thanks.. may tanong ako… kinukuha po b o ng mga companyang certificate of ojt kung mag.ojt k dati. Required po b nla n???
Wala akong alam na disenteng na kumpanya na humihingi ng certificate ng ojt.